MANILA, Philippines - Hiniling kamakailan ng Quezon City Health Department sa mga pampubliko at pribadong ospital na repasuhin ang sistema ng paghawak nila sa mga kaso ng mga pasyenteng nagkasakit ng dengue para maiwasan ang pagdami ng mga taong namamatay dito.
Sinabi ni City Health Department Head Dr. Antonieta Inumerable na dapat matukoy kung ano ang kakulangan ng mga ospital na nagiging sanhi ng pagtaas ng bilang ng mga namamatay sa dengue.
Batay sa naitala, 57 ang kaso ng namatay sa dengue mula Enero hanggang Agosto 31 ng taong kasalukuyan na mas mataas sa 31 kasong naitala noong nakaraang taon.
Sinabi ni Inumerable na lubhang nakakaalarma ang pagtaas ng bilang ng namamatay sa dengue lalo pa at may mga reklamo ang pamilya ng ilan sa nasawi na may pagkukulang umano sa pangyayari ang ospital o tauhan nito.
May mga reklamo, ayon kay Inumerable, matapos suriin at bigyan ng gamot na paracetamol ang pasyenteng may lagnat, pinapauwi na ito.
Matapos ang isa o dalawang araw, nagugulat na lang ang pamilya ng pasyente dahil nagkaroon ito ng dengue hemorrhagic fever na ikinamatay nito.