'Metro Manila, helpless'- BF
MANILA, Philippines - Sinabi kahapon ni Metro Manila Development Authority Chairman Bayani Fernando na walang magagawa sa naging sitwasyon kamakalawa ng salantain ng ulan at malaking baha ang kalakhang Maynila bunga ng bagyong Ondoy.
“Talagang sa sitwasyon na iyon, noong oras na iyon talagang walang magagawa. We are all helpless,” ayon kay Fernando sa isang programa sa radyo.
Inamin rin ni Fernando na sadyang hindi siya nagpa-interview sa media sa kasagsagan ng delubyo nitong Sabado dahil wala siyang masabing positibo sa publiko at hindi niya kayang lokohin ang tao.
Ayaw rin naman niyang mag-panic ang publiko dahil sa napakahirap na sitwasyon nila sa napakabagal na pagpapadala ng saklolo sa mga pamilyang naiipit ng tubig-baha lalo na sa sarili niyang lungsod sa Marikina.
Sinabi ni Fernando na kulang na kulang ang kanilang rubber boats na gamit sa rescue operations at kinalaunan ay hindi rin naging epektibo dahil sa agad na nangabutas matapos na makalawit ng mga yero at matusok ng matatalas na mga bakal.
Sa monitoring ng MMDA, sinabi nito na napakabilis ng pag-akyat ng tubig-baha sa Marikina, Quezon City, Montalban, San Mateo at Cainta sa Rizal kung saan limang metro ang iniakyat nito mula alas-11 hanggang alas-12 ng tanghali nitong Sabado.
Dahil dito, maraming pamilya ang hindi na nakapaghanda at hindi na naisalba ang kanilang mga ari-arian dahil sa mabilis na lumagpas ng ikalawang palapag ng bahay ang tubig-baha.
Umaabot rin sa 241 millimeters ang antas ng patak ng ulan kada oras na kanilang naitala. May average itong 410.6 mm (16 inches) na tumabon sa dating rekord na 334mm na naitala noong Hulyo 1967.
Sinisi naman ni Fernando ang matinding pagbabaha sa napakakikitid na creeks sa Metro Manila dulot ng pagtatayo ng bahay ng mga squatters at pagtabon sa mga “naturang waterways” ng mga developer ng mga itinatayong subdibisyon na umano’y iligal sa batas.
Inihayag naman kahapon ng MMDA Metrobase Communication and Monitoring Center na mayorya ng mga kalsada sa Metro Manila ay maaari nang madaanan ng mga sasakyan maliban sa Pasig City, Marikina, ilang lugar sa Maynila at Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending