2 MMDA traffic enforcers nangotong ng Kano, tagilid

MANILA, Philippines - Sisibakin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang dalawa nilang traffic enforcers na nahuling nangotong umano sa isang Amerikano, kama­kailan sa Pasay City.

Inirekomenda ni Executive Director Vergel De Dios ng Traffic Operations Center, ang terminasyon ni Ryan Diaz habang suspensyon at kasong administratibo naman ang kinakaharap ni Jonathan Lavente. Nabatid na nasa regular status si Lavente habang “job order employment status” lamang si Diaz.

Matatandaan na nadakip ng Pasay police ang dalawa nitong nakaraang Lunes makaraang ireklamo ni Daniel Staehelin na umano’y kinotongan ng dalawa ng P1,000 at $60 kapalit ng P3,500 na kabayaran sana sa paglabag nila sa paglagpas sa yellow lane sa EDSA.

Nakumpiska sa mga enforcers ang pera na kinuha nila sa biktima habang ipinapapalit naman sa isang money changer ang mga dolyares.

Bukod dito, ipinagmalaki rin nito na marami na silang sinibak na tauhan na nahuhuling nangongotong ng ka­nilang CCTV camera na nakakabit sa mga panguna­hing kalsada sa Metro Manila. (Danilo Garcia)

Show comments