MANILA, Philippines - Dahil sa hindi matanggap na iwan ng kinakasama, kung kaya ipinasya ng isang driver na tapusin ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Si Samuel Vanilla, 38, ng #162 Baco St., Brgy. Salvacion sa lungsod ay natagpuan na lamang ng kaibigang si Napoleon Catingroy na walang buhay na nakabitin sa loob ng kanyang bahay, pasado alas-6:15 ng umaga.
Bago ito, nagkaroon ng pag-aaway ang biktima at kanyang live-in partner na si Riza Tumandi dahil nais na ng huli na tapusin ang kanilang relasyon.
Dahil hindi rin napapayag ng lalaki ang live-in partner matapos ang pagtatalo, naging balisa ang una, hanggang sa magpasya na itong magpakamatay.
Magkagayunman, patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente upang matukoy kung may naganap na foul play dito. (Ricky Tulipat)