Joy Belmonte tuloy na sa 2010 elections
MANILA, Philippines - Kinumpirma ng nag-iisang anak na babae ni Quezon City Mayor Feliciano “SB” Belmonte, Jr., na si Joy Belmonte na tuloy na tuloy na ang kanyang planong pagkandidato bilang bise alkalde sa lungsod sa nalalapit na 2010 elections sa bansa.
Sa isang panayam, sinabi ni Joy na mas minabuti niyang kumandidato bilang ka-ticket ni Vice Mayor Herbert Bautista na kakandidatong mayor dahil marami na umano itong karanasan sa pulitika at maganda ang ipinakitang suporta ng bise alkalde sa kanyang ama mula nang umupo ito sa puwesto noong 2001.
Si Joy ang siyang Pangulo ng Volunteers Foundation na aktibong tumutulong sa mahihirap na taga-lungsod.
Anya, susundan niya ang yapak ng ama hindi lamang sa pagpapasigla ng ekonomiya sa lungsod kundi sa pagpapalakas ng serbisyo publiko na naging susi kung bakit patuloy na nagiging number 1 ang QC sa pinakamayamang lungsod at may pinakamahusay na serbisyo sa mamamayan.
Makakalaban ni Joy sa mga tatakbong Bise Alkalde sa QC sina 2nd District Councilor Aiko Melendez, Councilors Bernadette “BH” Herrera-Dy (1st District), Janet “Babes” Malaya (4th District), at Dante de Guzman (3rd District). (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending