Grenade explosion: Bata patay
MANILA, Philippines - Isang 9-anyos na batang lalaki ang nasawi, habang sugatan naman ang lima pang katao nang sumabog ang isang granada na inihagis ng mga hindi nakilalang lalaki kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Nakilala ang nasawi na si Paul Kevin Doctolero, grade 2 pupil, ng Brgy. 145 Zone 16, Sto. Niño, ng naturang lungsod. Kritikal naman ang 49-anyos na si Rosalina Mago habang su gatan din ang grade 3 pupil na si Jomari Olayres, Antonio Mago, 49; Bernardina Ellar, 49; at Noel Besing, 37, pawang mga residente ng Brgy. Sto. Niño.
Sa ulat ng Pasay police, naganap ang krimen dakong alas-7 ng gabi sa kanto ng Acacia at Lawaan Sts., Brgy. Sto. Niño. Nagkukumpulan umano sa naturang lugar ang mga biktima nang dumating ang apat na lalaki at biglang naghagis ng granada. Unang nakita umano ng nasawing si Doctolero ang inihagis ng mga suspek na nilapitan naman nito dahil sa pag-uusyoso nang biglang sumabog sa kanyang harapan nang tangkaing pulutin ang granada sanhi ng kanyang kamatayan.
Sa lakas ng pagsabog, nahagip din ng mga nagtalsikang shrapnel ang lima pang biktima na nakatayo din sa lugar na pinangyarihan habang mabilis na tumakas ang mga suspect patungo sa hindi nabatid na lugar.
Malaki ang hinala ng pulisya na onsehan sa bentahan ng illegal na droga ang motibo sa nangyaring paghahagis ng granada matapos makatanggap ng impormasyon ang pulisya na madalas magkaroon ng transaksiyon ng ilegal na droga sa naturang lugar. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending