Kinuyog, sinaksak, binugbog Pulis rumesponde sa holdap tinodas
MANILA, Philippines - Patay ang isang tauhan ng Northern Police District (NPD) makaraang pagtulungang saksakin at bugbugin ng isang grupo ng mga kalalakihan matapos na mabaril at mapaslang nito ang isang 15-anyos na binatilyong suspek sa isang holdapan na kanyang nirespondehan, kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.
Patay na nang idating sa pagamutan sanhi ng tinamong mahigit sa sampung saksak sa katawan at palo ng kahoy sa ulo ang biktimang si PO3 Reynaldo Mananghaya, nakatalaga sa District Anti-Illegal Drug-Special Operations Group ng NPD.
Nasawi rin sa insidente matapos na mabaril ni Mananghaya ang hinihinalang holdaper na si Alenor Diamla, residente ng Park Avenue, Pasay City.
Sa ulat ng Parañaque police, pauwi na si Mananghaya sa kanyang bahay sa Brgy. San Dionisio ng naturang lungsod nang lapitan at hingan ng tulong ng isang babae na biktima ng panghoholdap sa may Taft Avenue, Brgy. Baclaran dakong alas-7:30 ng gabi.
Dahil sa tawag ng tungkulin, mabilis na rumesponde si Mananghaya kung saan naabutan niya ang isang grupo ng kabataan na kabilang sa nangholdap sa babae na positibong itinuro ng biktima. Sinita naman ng pulis ang grupo matapos na magpakilalang alagad ng batas ngunit sa halip na matakot ay galit na sinugod pa ng naturang grupo si Mananghaya at inumpisahan siyang gulpihin.
Bagama’t sugatan, nagawa pang makabunot ng kanyang baril si Mananghaya at magpaputok kung saan tinamaan si Diamla na agad nitong ikinasawi. Lalo namang nagalit ang grupo na pinagsasaksak at ginulpi ito hanggang sa matiyak na wala na itong buhay.
Tumanggi naman ang kapamilya ni Diamla na ipa-awtopsiya ang bangkay nito upang matiyak na sa pulis galing ang balang nakatama dito dahil sa labag umano ito sa kanilang relihiyong Muslim.
- Latest
- Trending