Pekeng 'Mayor Tinga', tugis

MANILA, Philippines - Inatasan kahapon ni Taguig Mayor Freddie Tinga ang lokal na pulisya na habulin ang mga pekeng “charity organization” na gumagamit sa kanyang pangalan sa pangongolekta ng malalaking halaga sa iba’t ibang pribadong negosyo at indibiduwal sa naturang lungsod.

Ito’y matapos na madiskubre kamakailan ang isang pekeng grupo na may pangalang “Freddie Tinga Foundation” na matagal nang nagso-solicit ng pera sa mga negosyante sa buong lungsod.

Kinumpirma ito ng Megaworld Corporation kung saan sinabi nito na isang tawag ang kanilang natanggap buhat sa naturang foundation at nanghihingi ng perang donasyon para sa pagtatayo ng isang day care center sa mga mahihirap na bata sa lungsod.

Binerepika naman ng mga opisyales ng Megaworld ang tawag sa Office of the Mayor dahil sa dati na umano silang may magandang relasyon kay Mayor Tinga kung saan lumabas na walang tinatayong foundation ang alkalde at wala ring ginagawang tawag ang kanilang opisina.

Bukod sa Megaworld, dalawang establisimiyento rin, ang Enderun College-Fort Bonifacio Campus at pabrikang RSBS Industrial Park sa Brgy. Western Bicutan ang nakatanggap ng mga tawag sa isang nagpapakilalang Mayor Tinga at nang­hihingi ng donasyon. Binirepika rin ng dalawang establi­simi­yento ang tawag na lumabas na negatibo. (Danilo Garcia)

Show comments