MANILA, Philippines - Lumantad sa tanggapan ng Bureau of Immigration ang (BI) dayuhang kapitan ng M/V Ufuk, ang barkong nahulihan ng mga puslit na baril kamakailan sa Mariveles, Bataan kasabay nang pagbubunyag sa isang pulitiko na umano sangkot sa gun-running activities.
Sa paglutang kahapon sa tanggapan ni BI Commissioner Marcelino Libanan ni Capt. Bruce Jones, kasama ang isa pang Gregorian national na crew ng nasabing barko, ibinunyag niya na kaanak ng isang pulitiko sa bansa ang nasa likod ng operasyon ng gun-running syndicate.
Aminado umano si Jones na takot siyang malagay sa panganib ang buhay subalit nagpasiya na ring magsalita upang madakip umano ang mga kasapi ng sindikato.
Ikinatuwa naman ni Customs Commissioner Napoleon Morales ang nasabing pagbubunyag.
Hiniling din ni Jones na handa siyang tumestigo subalit dapat umano siyang tulungan ng BI at BOC para maisailalim sa witness protection program.
Una nang nagsampa ng kasong kriminal ang BOC sa Department of Justice (DOJ) Task Force on Anti-Smuggling laban sa 37 katao na sangkot sa pagpupuslit ng 14 na crates ng matataas na kalibre ng baril.
Kabilang sa ipinagharap ng kaso ang anim na empleyado ng Red White & Blue Arms Inc. kung saan naka-consign ang mga kargamento.
Nakasama din sa kinasuhan ang 14 na crew members ng M/V Ufuk, 7 crew members ng M/Y Mou Man Tai, 5 opisyal at ng M/V Ufuk at 5 opisyal ng M/Y Mou Man Tai. (Ludy Bermudo at Gemma Amargo-Garcia)