MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon ang Manila Police District (MPD) sa publiko hinggil sa isa pang modus-operandi ng ‘Dugo-dugo gang’ na tumatawag sa cellphone at nagpapanggap na kakilala upang makatangay ng salapi sa pamamagitan ng pagpapa-deposito ng salapi sa automated teller machine (ATM).
Bunsod ito ng pagkakatiklo sa isang 38-anyos na binatang pinaniniwalaang miyembro ng grupo na nakadale ng P15,000 sa branch manager ng Boardwalk-Iloilo branch na dumalo lamang sa seminar sa Quiapo, Maynila, kamakalawa ng hapon. Kinilala ang suspek na si Laureal Monte, ng LRC Compound, CM Recto Ave., Sta Cruz, Maynila.
Sa reklamo ng biktimang si John Rodrigo Tomas III, 22, dakong alas-2 ng hapon nang ideposito umano ng biktima sa isang express teller sa Quezon Blvd.-Branch, Quiapo, Maynila ang P15,000 matapos makatanggap ng tawag sa nagpakilalang Bernardo Madera. Dahil amo niya si Madera, inakala niyang totoo ang sinasabi ng kausap na ang P50,000 ay ihulog niya sa account ng isang Dr. Richard Samaniego, para umano sa Philippine Heart sponsorship.
Nagduda lamang umano siya kung bakit agad tumawag ang nagpakilalang si Madera na ipinadedeposito pa ang kakulangan niyang P35,000.
Agad niyang tinawagan ang numero ng amo at doon niya natuklasan na ibang tao ang tumawag sa kaniya at kinumpirma ng tunay na Madera na wala siyang tawag o utos na magdeposito ng pera.
Dahil hindi naman taga-Maynila ang biktima, nagpatulong ito sa branch manager ng Boardwalk-Manila na si Charlie Velasco para matukoy ang may-ari ng account. Nang matunton ng banko, agad nagsagawa ng operasyon ang MPD-Station 3 na nagresulta sa pagkaka-aresto ng suspek na siya pala ang may-ari ng bank account number. Patuloy na iniimbestigahan ang suspek upang matukoy din ang mga kasabwat nito at kung may iba pang criminal record. (Ludy Bermudo)