Utol binihag ng kelot na may sayad

MANILA, Philippines - Isang may ‘sayad’ na 26-anyos na lalaki ang nam­bihag sa kanyang kapatid na babae at nagtangkang su­nugin ang kanilang bahay sa Sampaloc, Manila nang malaman na muli siyang dadalhin sa National Center for Mental Health kahapon.

Umabot nang isang oras bago tuluyang nakumbinse ng mga awtoridad na su­muko ang suspek na si Raymond Villasenor, binata, walang trabaho at residente ng 592 Main St., Sampaloc.

Hindi na rin nagsampa ng pormal na reklamo laban sa suspek ang nakababatang kapatid nito at biktimang si Giselle Villasenor, 25, da­laga.

Sa ulat ni PO2 Mark Anthony De Vera ng Manila Po­lice District-Station 4, da­kong alas-9:00 ng umaga nang makatanggap sila ng tawag hinggil sa pangho-hostage ng suspek sa biktima sa loob ng bahay ng mga ito.

Pero hindi agad mapa­sok ng mga pulis ang loob ng bahay kung saan hawak umano ng suspek ang isang patalim at isang lighter.

Pinasingaw na rin ng suspek ang isang tangke ng LPG at sinindihan pero agad umanong naapula ang ka­unting apoy gamit ang fire extinguisher.

Sinabi ng isa pang ka­patid na si Leonardo na tat­long beses na umano nilang dinala sa mental hospital ang suspek at dahil sinu­sumpong na naman umano ito ng sakit ay pinagpla­nu­hang dalhin muli sa ospital.

Kamakalawa pa umano ng gabi nagwawala ang sus­pek dahil natunugan na siya ay dadalhin sa Mental kaya kahapon ng umaga nang maisipang ikulong sa kani­yang silid si Giselle at i-hostage ito hawak ang pa­talim dahil ayaw umano niyang dalhin muli siya sa ospital.

Nabatid kahapon sa MPD-Station 4 na ipinahatid na sa NCMH ang suspek upang sumailalim sa ga­mutan. (Ludy Bermudo)

Show comments