Gulo sa San Jose del Monte, winakasan ng DILG

MANILA, Philippines - Winakasan na kaha­pon ng Department of In­terior and Local Go­vern­ment ang kaguluhan kung sino ang dapat na ma­upong alkalde sa San Jose del Monte City, Bulacan.

Sa tatlong-pahinang direktiba, inatasan ni DILG Undersecretary for Local Government Aus­tere Pa­na­dero si Acting Mayor Rey San Pedro na isuko na ang pamama­hala ng lung­sod kay Mayor Angelito Sar­miento base na rin sa naging desisyon ng Com­mission on Elections na ang huli ang dapat na tang­haling alkalde ng San Jose del Monte City.

Nakatakda na sanang umupo bilang bagong al­kalde ng lungsod si Sar­miento noong nakara­ang Lunes subalit tinutu­lan ito ni San Pedro at iginiit na siya ang dapat na ma­nung­kulang pu­nong-lung­sod sa ilalim ng law of succession.

Ani San Pedro, isu­suko lamang niya ang posisyon kung siya ay aatasan ng DILG na bu­maba at isalin ang pa­ma­mahala kay Sarmiento.

Inatasan ni Asst. Sec­retary at Legal Service chief Emeterio Moreno Jr., si Region 3 Director Re­nato Brion na personal na ibigay ang direktiba kay San Pedro.

Ipinadala rin ang order sa tanggapan ng DILG di­rector, Philippine National Police regional office, PNP provincial office at tang­gapan ng chief of police.

Nauna nang ipinag-utos ni DILG Secretary Ronnie Puno sa PNP na si­bakin si Supt. Danilo Flo­rentino, chief of police dahil sa pagkiling kay San Pedro sa kasagsa­gan ng kagu­luhan sa isyu ng pagka-alkalde sa siyu­dad. (Angie dela Cruz)

Show comments