MANILA, Philippines - Mistulang na “wow mali” ang dalawang hinihinalang pusher matapos nilang pagkamalang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ang dalawang tauhan ng Manila Police District (MPD) nang bentahan nila ang mga ito nang kanilang panindang shabu kamakalawa ng hapon sa Sta. Cruz, Maynila.
Kasalukuyang nakakulong sa MPD-Station 3 (Sta. Cruz) detention cell ang mga suspek na sina Angeluz Perez, 29 at Reiner Anire, 23, kapwa residente ng Int. 14, Quiricada St., Sta. Cruz, Maynila.
Ayon sa pulis, dakong alas-3 ng hapon ng maaresto ang mga suspek sa kanto ng Quiricada at Estero de San Lazaro, Sta. Cruz, Maynila.
Kasalukuyan umanong nagsasagawa ng “stakeout operation” laban sa mga wanted person sina PO2 Arnel Tubbali at SPO1 Christopher Llanes ng MPD-Station 3 sa naturang lugar nang mapansin nila ang dalawang suspek na kapwa walang damit na pang- itaas. Kaagad umanong nilapitan ni Tubbali ang dalawa kung saan ay naaktuhan nito na inaabutan ng isang sachet na hinihinalang shabu ni Perez si Anire. Dahil nakasibilyan lamang si Tubbali ay napagkamalan umano ni Perez na kustomer ito kaya’t inalok pa niya ito ng kanyang ibinebentang shabu.
Nagtanong pa umano si Tubbali kay Perez ng “Magkano ba ito?” habang hawak niya ang isang sachet at sumagot naman ang huli ng “Dalawang daan lang.” Mabilis na bumunot ng pera si Tubbali at inabot kay Perez ang pera kapalit ng isang sachet ng shabu sabay pakilala na alagad siya ng batas kayat naaresto ang mga ito. (Gemma Amargo-Garcia)