MANILA, Philippines - Hindi pa man natatapos ang kaso ng dalawang pulis na umaresto sa 13-anyos na totoy dahil sa curfew kamakailan, panibagong apat na pulis ng Manila Police District (MPD) ang itinuro ng isang estudyante na nanakot at nanakit sa kanya sa loob mismo ng General Assignment Section ng MPD Headquarters. Personal na dumulog sa tanggapan ni Acting Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno ang biktimang si Larry Bitara, 24, Information Technology student, upang ireklamo ang mga pulis na nakilalang sina SPO1 Romeo Saavedra, PO2 Angelo Buzon, PO2 Reginald delos Reyes at isang John Doe na pawang nakatalaga sa MPD-GAS. Ayon kay Bitara, ang naturang mga pulis ang nanakot, nanakal, nambugbog, pumalo ng blotter sa kanyang ulo at kumuha ng kanyang P7,000 na pangmatrikula. Una rito, sinabi ni Bitara na binugbog at sinaktan din siya ng ina at kapatid ng kanyang schoolmate na si Gerry Ranoa. Sina Bitara at Ranoa ay kapwa kasapi ng Unlimited Network Opportunity. Setyembre 2, dakong alas-11 ng umaga nang sugurin si Bitara ng nanay at kapatid ni Ranoa kung saan pinagsasampal siya at sinuntok. Bagama’t dumaraing sa sakit ng katawan, patuloy siyang kinaladkad ng ina at kapatid ni Ranoa patungo sa pulisya. Sinabi pa ni Bitara na hindi pa rito natapos ang kanyang kalbaryo dahil mga pulis naman umano ang nanakot at nanakit sa kanya. (Doris Franche)