MANILA, Philippines - Isa umanong intelligence officer ng Philippine Marines ang inaresto kahapon ng umaga dahil sa umano’y paniniktik sa tahanan ni National Artist for Literature Bienvenido Lumbera.
Sa ulat, nakilala ang suspek base sa identification card na si Cpl. Hannibal Guerrero, 27, enlisted AFP intelligence personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP), habang nakatakas naman ang dalawa sa mga kasamahan nito.
Ayon sa ulat, ganap na alas-6 ng umaga nang mangyari ang insidente nang mapuna ng mga maids ni Lumbera ang tatlong kalalakihan habang nililitratuhan ang kanyang tahanan sa Mapayapa 1 Subd., Brgy. Holy Spirit, Quezon City.
Dahil dito, nagpasya si Lumbera na tumawag ng security guard sa village na siyang umaresto sa sundalo at nakatakbo naman ang dalawang kasamahan nito.
Ikinakatwiran umano ng suspek sa security na interesado lang ito sa bakanteng lote katabi ng bahay ni Lumbera kung kaya kinukunan niya ng litrato.
Naalarma rin si Lumbera sa insidente dahil sa hinalang may kaugnayan ito sa kontrobersiya tungkol sa pagpili ng Malakanyang bilang national artists. (Ricky Tulipat)