MANILA, Philippines - Dalawang holdaper ang nasawi makaraang makipagpalitan ng putok ng baril sa mga awtoridad sa magkahiwalay na engkuwentro na naganap sa Tondo, Maynila at Caloocan City.
Sa Maynila, hindi pa nakikilala ang nasawing suspect na tinatayang nasa gulang 35-45, 5’2’’ hanggang 5’4’’, katamtaman ang pangangatawan, may balbas, nakasuot ng kulay skyblue na shorts, tadtad ng tattoo na indikasyong miyembro ng “Commando gang”.
Nakatakas sa engkuwentro ang dalawa pang kasamahan ng nasawi.
Sa imbestigasyon, dakong ala-1:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa harapan ng Gina’s store sa kanto ng Road 10 at Lakandula Sts., Tondo.
Ayon sa mga biktimang sina Darwin Carpio, 24; at Miguel Padrid, 22, magkaangkas sila sa motorsiklo nang pagsapit sa Road 10 at Lakandula St., ay hinarang sila ng 3 suspek na armado ng kalibre .38 baril at patalim at puwersahang kinuha ang kanilang pera at cellphone.
Agad namang nakapagsumbong sa pulisya ang mga biktima na humabol sa mga suspect. Nang abutan ay nagsimula nang magpaputok ng baril ang mga holdaper dahilan upang gumanti ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng isa sa mga ito. Hinihinalang ang mga suspek ang madalas humarang sa mga naka-motorsiklo at pribadong sasakyan upang holdapin sa nasabing lugar.
Samantala, bulagta rin ang isang holdaper matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Caloocan City kamakalawa.
Nakilala ang nasawi na si Michael Ediemer.
Ayon sa imbestigasyon, nakatanggap ng impormasyon ang mga pulis na nasa Phase 4, Bagong Silang si Ediemer, kilalang holdaper sa lugar..
Papalapit palang ang mga pulis ay sinalubong na sila ng putok ni Ediemer na naging dahilan upang gumanti ang mga ito na naging sanhi ng kamatayan ng huli. (Ludy Bermudo at Lordeth Bonilla)