Lumagapak sa riles ng MRT, Bebot tumalon buhat sa footbridge, kritikal
MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ngayon ang isang babae makaraang tumalon buhat sa footbridge ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at bumagsak sa riles ng Metro Rail Transit-Line 2 malapit sa Magallanes station sa lungsod ng Pasay kamakalawa ng gabi.
Unang isinugod sa Pasay City General Hospital bago inilipat sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Liza Almazan, 37, walang trabaho at naninirahan sa Malibay Street, Pasay City.
Sa ulat ni PO3 Joel Caronan, ng Pasay Regional Mobile Group na nakatalaga sa MRT, naganap ang insidente dakong alas-7:30 kamakalawa ng gabi sa MMDA footbridge sa EDSA sa pagitan ng Magallanes at Taft Ave. Station ng MRT.
Ayon sa mga nakasaksi, nakita nilang balisa at pabalik-balik ang biktima sa paglalakad hanggang sa magulat na lamang sila nang biglang umakyat ito sa harang ng footbridge at biglang tumalon.
Bumagsak ang biktima sa “northbound” na riles ng MRT kung saan mabilis namang rumesponde ang mga kagawad ng Police Regional Mobile Group at Lifeline Medical Assistance Team na nagsugod sa biktima sa pagamutan.
Nabatid na hindi pa makausap ang biktima na nagtamo ng malaking pinsala sa kanyang likuran at puwitan dulot ng pagkakabagsak. Malaki ang hinala ng pulisya na tangka talaga ng biktima na magpakamatay ngunit palaisipan pa rin ang motibo nito.
- Latest
- Trending