13-anyos na nene minartilyo sa ulo, patay

MANILA, Philippines - Kalunus-lunos ang sinapit ng isang 13-anyos na nene makaraang matagpuan na basag ang mukha nito dahil sa hinihinalang minartilyo ng hindi pa nakilalang suspek, kahapon ng hapon sa Taguig City.

Nakilala ang biktima na si Juliet Quin, estudyante ng 46-A Champaca St., Taguig City.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, natagpuan ang bangkay ng biktima ng ate nitong si Jonalyn, 16 , dakong alas-2 ng hapon sa loob ng kanilang bahay at naliligo sa sarili nitong dugo.

Ayon naman sa kuya ng biktima na si Jonard, 19 , na umalis umano siya ng bahay dakong alas-12 ng tanghali at pumasok sa paaralan. Hindi na umano siya nakapagpaalam sa kanyang kapatid na si Juliet na hindi niya mahagilap dahil sa lumabas ng bahay.

Nang dumating si Jonalyn buhat sa paaralan, dito nito nadis­kubre ang kalunos-lunos na sinapit ng kanyang nakakabatang kapatid buhat sa kamay ng hindi pa nakikilalang suspek. Nadiskubre ang biktima na nakasuot ng maong na shorts pants at blouse na checkered habang isang duguang martilyo ang nadiskubre na tabi nito.

Nagsasagawa pa ngayon ng mas masusing imbestigasyon ang mga otoridad upang mabatid ang motibo ng naturang krimen at upang makilala ang mga posibleng suspek sa brutal na pagpatay. (Danilo Garcia)

Show comments