Karnaper todas sa biniktima
MANILA, Philippines - Isa sa tatlong kilabot na karnaper ang nabaril at napatay ng kanilang biniktimang bank supervisor sa lungsod ng Quezon kahapon ng madaling-araw.
Samantala, sugatan din ang nakabaril na biktimang si Manuel Ledesma, 30, bank supervisor, ng Lupang Pangako, Brgy. Payatas at ginagamot ngayon sa East Avenue Medical Center, matapos buweltahan ng isa sa mga kasamahan ng nasawi at pagbabarilin.
Isinalarawan naman ng awtoridad ang napatay na karnaper na nasa edad na 25, 4’5’’ ang taas, katamtaman ang pangangatawan, kulot ang buhok, na naka-pajama at sando at may tattoo sa batok na “Jouree”.
Patuloy naman ang follow-up operation ng pulisya laban sa dalawang kasabwat ng nasawing suspek na tumangay sa motorsiklo ng biktima na XRM 125 (ZK 5313) na siyang ginamit ng mga ito sa kanilang pagtakas.
Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente sa may Block 7 Ext., Phase 4, Brgy. Payatas sa lungsod. Binabaybay ng biktima ang nasabing lugar nang harangin ito ng mga suspek at tutukan ng baril. Sapilitang pinababa ng mga suspek sa kanyang motorsiklo si Ledesma para tangayin ito, ngunit nang makasakay ang mga una ay nakakuha ng tiyempo ang huli at agad na dinakma nito ang hawak na kalibre .45 baril ng isa sa mga una. Dahil dito, nagpambuno ang dalawa hanggang sa magawang makalabit ni Ledesma ang baril at mapaputok sa suspek.
Nang bumulagta ang nabaril na suspek, agad na nagtatakbo papalayo si Ledesma ngunit hinabol ito ng isa sa mga kasamahan ng una at nang maabutan ay saka pinagbabaril. Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa balikat at batok si Ledesma.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na nagsipagtakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo ni Ledesma. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending