MANILA, Philippines - Isang armored van ang tinangkang tangayin ng limang armadong kalalakihan matapos na pasukin ang isang mall kung saan nakahimpil dito ang dalawang malaking banko sa lungsod Quezon, kahapon ng hapon.
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police, apat na sibilyan ang sugatan makaraang madamay sa pagpapaputok ng mga suspek habang tinatangkang tangayin ang armored van na matatagpuan sa basement ng Walter Mart shopping mall sa kahabaan ng Edsa Muñoz sa lungsod.
Tinukoy ang tatlo sa mga ito na sina Michelle Almansa, customer; Jason Arienda, bank teller ng BPI; na nagtamo ng bala sa kanilang katawan; at isang John Castre, 18, bagger sa supermarket dito na nagtamo ng shrapnel sa bandang kili-kili; habang ang isa pang biktima ay inaalam pa ng awtoridad. Sinasabing pinasok ng mga armadong suspek ang nasabing gusali upang biktimahin ang isang armored van ng isang banko na nakahimpil sa parking area nito ganap na alas-2:30 ng hapon.
Sa naturang basement din nakahimpil ang tanggapan ng Bank of the Philippine Islands (BPI) at Metro Bank na pinaniniwalaang naging target ng mga suspek. Ayon sa mga empleyado, bigla na lamang silang nakarinig ng putukan at malakas na pagsabog mula dito, hanggang sa marinig na sunud-sunod na putukan. Isang Expedition ang nakitang humaharot na lumabas sa nasabing mall.
Ilang sandali, dumating ang mga rumespondeng tropa buhat sa Special Weapon and Tactics (SWAT) at Quezon City Police-District Investigation and Detective Unit (QCP-CIDU) kung saan nagsagawa ng paglusob na tumagal ng halos isang oras hanggang sa makalabas na ang mga sugatang biktima.
Nang mapasok, tatlo sa mga hinihinalang suspek ang inaresto kung saan dalawa sa mga ito ay nakauniporme ng security guard at isang sibilyan. Nagkabasag-basag ang mga salamin sa mga establisimento dulot ng nasabing putukan.
Samantala, narekober na ng awtoridad ang sinasabing Expedition (WND-331) na ginamit na get-away car ng mga suspek sa may Narig St., Brgy. Veterans Village, Project 7 sa lungsod matapos na iwan ito.
Ayon sa mga residente sa lugar, tatlong kalalakihan umano ang bumaba sa naturang sasakyan na pawang mga nakasuot ng itim na damit, armado ng mahahabang baril at may bitbit na limang puting bag na hinihinalang may lamang pera, bago sumakay sa isa pang sasakyan na dalawang oras na umanong naghihintay dito.
Sa ngayon patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang insidente kung alin sa mga bangko ang nabiktima ng mga suspek.