MANILA, Philippines - Palaisipan ngayon sa pulisya ang katotohanan kung talagang dinukot at pinakawalan ng mga armadong lalaki ang isang 11-anyos na bata na anak umano ng isang Hapones makaraang matagpuan ito ng pulisya sa gilid ng kalsada kamakalawa ng gabi sa Makati City.
Nakilala ang biktima sa pangalang Sean Torres na nadaanan ng mga nagpapatrulyang pulisya sa kanto ng Gil Puyat Avenue at Chino Roces St. sa harap ng isang bangko dakong alas-9 ng gabi.
Nang tanungin ng mga pulis kung sino at ano ang ginagawa niya, sinabi ng bata sa Ingles na dinukot siya ng mga armadong lalaki habang nasa ibaba siya ng tinitirahang condominium. Isinakay umano siya sa isang puting close van ng mga suspek kung saan may tatlo pang batang babae na kasing-edad niya ang nasa loob ng sasakyan na pawang nag-iiyakan.
Mahigit isang oras umano silang ibiniyahe hanggang sa ibaba siya ng mga suspek sa may Gil Puyat Avenue sa Makati City. Hindi naman maalala ng bata ang pangalan at lugar ng tinutuluyang condominium, pati na ang pangalan ng kanyang mga magulang maliban sa pagsasabing anak siya ng Japanese national sa Pilipinang ina. May hinala naman ang pulisya na na-trauma ang bata kaya’t ipinasiya nilang dalhin ang kaso sa Women and Children’s Protection Desk ng Makati police. (Danilo Garcia)