QCPD nagbabala sa gumagalang taxi driver na holdaper

MANILA, Philippines - Binalaan ng awtoridad ang publiko na mag-ingat sa pagsakay ng taxi kahit na sa kilalang kompanya matapos na isang driver nito ang inaresto dahil sa panghoholdap sa isang pasaherong teenager sa lungsod Quezon.

Si Ephrem Efren Biagtan, 28, driver ng MGE taxi, ay dinakip ng operatiba ng Quezon City Police District- Talipapa Police Station sa loob mismo ng kanyang kom­panya makaraang dumulog sa pulisya ang teenager nitong biktima sa lungsod.

Ayon sa report, hindi batid ng management ang iligal na gawain ni Biagtan dahil may mga dala itong iba’t ibang student IDs na pinaniniwalaang mula sa kan­yang mga nabiktima. Si Biagtan ay inaresto base sa reklamo ng isang 16-anyos na dalagita na tinangayan nito ng cellphone at cash na halagang P10,000 noong Linggo.

Sumakay ang biktima sa MGE Taxi (TEK-411) sa pa­nu­lukan ng Quezon Avenue dakong alas-4 ng hapon para magpahatid sa Novaliches.

Pagsapit sa Quezon Me­morial Circle, iniba ni Biagtan ang ruta patungo sa Commonwealth Avenue sa halip na sa Mindanao Avenue sanhi upang maghinala ang bik­tima. Dahil dito, nagpasya ang biktima na iteks sa ka­ibi­gang nakatira sa Fairview ang pangyayari maging ang body marking at plate number ng taxi, hanggang sa ma­ispa­tan ng kaibigan nito ang taxi at parahin ito.

Nang makita ng suspek ang kaibigan ng biktima ay agad na tumalon sa taxi at tumakas dala ang gamit at pera ng biktima. Dito na nagpasyang magreklamo ang bik­tima sa nasabing himpilan kung saan pasado alas-8 ng umaga ay dinakip ang suspek habang naghihintay ng kanyang karelyebo sa taxi sa may MGE company sa lungsod. (Ricky Tulipat)

Show comments