Bala para sa anak, sinalo ng ama

MANILA, Philippines - Isang ama ang nasawi makaraang pagbalingang barilin ng isang lalaking nakaaway ng kanyang anak sa lungsod Quezon kamakalawa.

Isang tama ng bala sa dibdib ang tumapos sa buhay ng biktimang si Fer­dinand Racho, 44, mason, ng Saint Andrew, Brgy. Holy Spirit sa lungsod.

Nakatakas naman ang suspek na si Lousito Garcia, 36, construction worker ng nasabi ring barangay.

Sa ulat ng pulisya, na­ganap ang insidente sa mismong lugar ng biktima pasado alas-6:30 ng gabi.

Bago nito, nagkaroon umano ng hindi pagkaka­unawaan ang anak ng na­sawi at ang suspect.

Agad na nagbunot ng baril ang suspect at itinutok sa anak ng biktima gayun­man nakatakbo ito.

Hinanap ito ng suspect hanggang sa ang masa­lubong ay ang matandang Racho na siyang pinagba­lingan ng suspect at agad itong binaril. Mabilis na tu­makas ang suspect ma­ta­pos ang ginawang krimen.

Nagawa pang ma­itakbo ng mga residente sa Malvar General Hospital ang biktima ngunit idinek­lara din itong patay. Na­kuha ng mga awtoridad ang isang basyo ng kalibre 38 baril na ginamit sa pama­maril sa biktima.

Show comments