MANILA, Philippines - Napatay sa isang rambulan ang isang 19-anyos na gangster habang dalawa sa mga kasama nito ang sugatan din sa Tondo, Manila kamakalawa ng gabi.
Wala nang buhay nang maipasok sa Gat Andres Bonifacio Hospital sa Tondo ang biktimang si Benjie Bernovez, 19, sinasabing miyembro ng Exodus Gang, at residente ng Rawis Street, Barangay 118 Zone 9, Tondo, dahil sa dami ng tinamong saksak sa katawan.
Una umanong namaril ang armado ng shotgun na si Bernovez kung saan tinamaan niya ang kapitbahay na sina Ryan Bornales, 22, at Roberto Jabarillo, 29.
Sa ulat ni Det Jaime Gonzales Jr ng Manila Police District-Homicide Section, nag-ugat ang insidente nang magkainuman ang grupo ni Bornales dahil sa selebrasyon ng kaarawan ng isang kaibigan at dakong 9:00 ng gabi nang magkarambulan sa panulukan ng Rawis at Chesa Streets sa Tondo.
Isang alyas “Aso” ang nagpasaklolo sa grupo ng nag-iinuman at sinabing hinahabol siya ng shotgun ni Bernovez at tatlo pang miyembro ng Exodus gang.
Nang lalapitan na ng grupo ni Bornales ang gangster, bigla silang sinalubong ng putok ni Bernovez.
Nang may masapul ng bala sa grupo ni Bornales ay kinuyog ng kanilang grupo ang gangster group at pinagsasaksak si Bernovez. (Ludy Bermudo)