MANILA, Philippines - Napatay ang guard official ng PAGASA makaraang barilin ng shotgun ng isa niyang tauhan kahapon ng hatinggabi sa Quezon City.
Kinilala ni P/Supt. Gerardo Ratuita, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na si Renato Almine, 43, assistant detachment commander sa binabantayang tanggapan na Data Information Center ng PAGASA sa BIR Road, Brgy. Piñahan, Quezon City.
Si Almine ay namatay noon din sa lugar ng pinangyarihan ng krimen makaraang sumabog ang bungo nito nang paputukan ng shotgun sa ulo.
Agad namang naaresto ang suspek na si Reymond Monreal, 38, binata, ng Lifeguard Arcangel Security Agency at nakatira sa Everlasting St.,Botanical, Quezon City.
Base sa report, dakong alas-11:30 ng gabi kamakalawa nang maganap ang insidente sa lobby ng binabantayan nilang DIC sa gusali ng PAGASA sa nasabing barangay.
Nagsagawa umano ng routinary inspection si Almine at nadatnan niya si Monreal na amoy alak habang naka-duty sa lobby ng naturang establisimento.
Lumilitaw sa imbestigasyon na matapos pagsabihan ng biktima ang suspek ay ito pa ang nagalit kung saan agad na dinampot ang shotgun nito at ipinutok nang malapitan sa mukha ni Almine na agad na bumulagta.