MANILA, Philippines - Nasawi ang isang jeepney driver makaraang tarakan ng balisong ng kanyang kumpare na naghihinala na may relasyon ito sa kanyang misis, kamakalawa ng hapon sa Las Piñas City.
Nakilala ang nasawi na si Canoto Alvez, 37, ng Talong St., Brgy. Pulanglupa Uno, ng naturang lungsod.
Agad namang nadakip ang suspek na si Norberto dela Cruz, 44, nangungupahan sa isang bahay sa Pelayo Compound, Talon III, sa naturang lungsod.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang krimen dakong ala-1:40 ng hapon sa loob ng pinapasada nitong jeep sa may tapat ng Ever Supermarket sa Alabang-Zapote Road, Pelayo Talon III, sa naturang lungsod.
Nabatid na sumakay ang suspek sa naturang jeep at pumuwesto sa likod ng biktima. Nang magbaba ng pasahero at naiwan na lamang mag-isa ang salarin, dito na sinaksak ng suspek si Alvez sa may dibdib at saka mabilis na bumaba ng sasakyan.
Nasaksihan naman ang krimen ng mga residente sa naturang lugar na agad na humingi ng tulong sa mga awtoridad na nagresulta sa pagkakadakip nito. Naisugod pa ang biktima sa Las Piñas City District Hospital at inilipat sa Philippine General Hospital ngunit binawian din ng buhay dakong alas-3:30 ng hapon.
Sa komprontasyon sa loob ng Las Piñas police station, inamin ni Dela Cruz na siya nga ang sumaksak sa biktima dahil sa matinding pagseselos at hinala na may relasyon ito sa kanyang misis. (Danilo Garcia)