Ampon, bf idiniin sa biyuda na nalitson sa kotse
MANILA, Philippines - Idiniin kahapon sa pulisya ng bunsong kapatid ng natustang biyudang negosyante ang 18-anyos na ampon ng biktima at ang boyfriend ng huli na umano’y kapwa nagsab watan at may kinalaman sa kahindik-hindik na pagkamatay ng ginang kamakalawa sa Rodriguez, Rizal.
Base sa dalawang pahinang sinumpaang salaysay ni Eleuterio Antonio, 49, driver at nakababatang kapatid ng namatay na biktimang si Antonia Golez ng Rodriguez St, Brgy. San Rafael, Rodriguez, Rizal, direkta nitong inakusahan si Princess Rose Ann Golez, adopted daughter ng huli at ang isang nagngangalang Melvin de Leon na siya umanong nobyo ng dalaga na aniya’y kapwa nasa likod ng naturang insidente.
Ayon pa sa salaysay ni Eleuterio sa pulisya na si Princess umano ang babaeng tumalon mula sa kotse at isinaboy ang isang galon ng gasolina sa biktima na noon ay nasa loob ng kaniyang kotse.
Binanggit pa nito sa pulisya na pinanood lamang umano ni Princess ang buong pangyayari saka umalis na hindi man lamang umano sinikap na iligtas sa pagkakasunog ng ina-inahan nito, bagkus ay iniwan pa umano nito habang nagliliyab sa loob ng kaniyang sasakyan.
Isiniwalat pa ng kapatid ng biktima sa pulisya na madalas umanong mag-away ang biktima at si Princess dahil mahigpit na tumututol ang ginang sa pakikipag-live-in ng dalaga kay Melvin.
Ayon naman sa pulisya na sa ngayon ay hindi pa nila maituturing na suspect si Princess dahil wala pa naman umanong matibay na ebidensiya at basehan na makadidiin sa dalaga.
Sa ngayon ay hinihintay pa umano ng mga imbestigador ang resulta ng post mortem examination ng SOCO at ng mga fire arson investigators upang malaman kung may naganap ngang “foul play” sa pagkamatay ng biktima. (Rose Tesoro)
- Latest
- Trending