MANILA, Philippines - Hindi na nakayanan ang hirap ng buhay sa laya kung kaya matapos ang halos 13-taong pagtatago, nagpasya ang isang murder suspect na kabilang sa tumakas sa bilangguan sa Malolos city jail na sumuko sa awtoridad sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Si Eliseo Carillo, 38, binata, ng Brgy. Villa Aurora, Busay Samar ay nagpasyang sumuko sa tanggapan ni Supt. Jesus Balingasa, hepe ng Station 10 ng Quezon City Police upang harapin na lamang ang kasong ibinibintang sa kanya sa bayan ng Malolos, Bulacan.
Ayon kay Carillo, hindi na niya nakayanan ang hirap dahil simula nang makatakas siya ay hindi na siya nakakain ng tatlong beses sa isang araw.
“Mahirap po kasi sa labas, wala naman po akong makuhang trabaho, tapos sa Samar magsasaka naman ako pero, hirap don talaga kaya ito (sumuko) na lang ang ginawa ko,” sabi pa ni Carillo.
Nabatid na Marso 1997 nang tumakas si Carillo sa piitan ng Malolos City jail kasama ng dalawa pang murder suspek, kung saan namalagi siya sa Samar bilang magsasaka.
Sinabi ni Carillo, sa tagal na pamamalagi sa probinsiya ay nagpasya siyang lumuwas ng Maynila nitong Sabado para muling makipagsapa laran sa paghahanap ng trabaho ngunit walang tumatanggap sa kanya.
Pasado alas-4:30 ng madaling-araw nang kusang sumuko si Carillo sa pulisya upang harapin na ang kasong kinakaharap nito. (Ricky Tulipat)