MANILA, Philippines - Kritikal ang isang sekyu sa isang shopping mall matapos na makipag-dwelo sa kapwa niya sekyu, kahapon ng hapon sa Pasig City.
Ginagamot sa Rizal Medical Center ang biktima na si Edmundo Olitres sanhi ng tinamong tama ng bala mula sa .38 kalibre ng baril sa dibdib.
Arestado naman ang nakabarilan nitong suspect na si Jay Aragon, kasamahan ng biktima na naka-detail sa loob ng Pioneer Shopping Center, Pioneer St., Brgy. Kapi tolyo, Pasig City.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong ala-1:20 ng hapon nang mangyari ang nasabing insidente sa loob ng nasabing shopping center.
Nabatid sa paunang pagsisiyasat ng pulisya na unang nagkaroon ng mainitang komprontasyon ang dalawa dahil lamang umano sa iringan sa trabaho at ilang minuto pa ay nakita na lamang na nag-dwelo ang mga ito gamit ang kanilang service firearms, hanggang sa duguang bumulagta si Olitres. Patuloy pa ring iniimbestigahan ang naturang insidente. (Rose Tamayo-Tesoro)