MANILA, Philippines - Lumubog sa baha ang ilang lugar sa Metro Manila at mga karatig lalawigan sanhi ng malakas na pagbuhos ng ulan na dulot ng southwest monsoon rains simula pa nitong mga nakalipas na mga araw, habang isa na namang Low Pressure Area (LPA) ang namataan sa Luzon.
Sa report ng tanggapan ni National Disaster Coordinating Council (NDCC) Executive Director Glenn Rabonza, patuloy ang monitoring sa mga mababang lugar na apektado ng mga pagbaha.
Kabilang sa mga binahang lugar ay ang kahabaan ng Taft Avenue mula United Nations hanggang Quirino; Rizal Avenue, Palanca Street sa Quinta Market; Dapitan sa Sampaloc at iba pang mga lugar na karaniwan ng binabaha kapag umuulan na pawang sa lungsod ng Maynila.
Samantalang hindi naman madaanan ng mga maliliit na behikulo ang ilang bahagi ng Quezon City dahil sa nararanasan ding pagtaas ng tubig-baha.
Nabatid na hindi makalusot ang mga light vehicles sa Batasan-San Mateo road kung kaya’t buhol- buhol na ang daloy ng trapiko sa nasabing lugar.
Sa tindi ng baha, lumubog ang center-island at napakalakas ng agos ng tubig mula sa itaas na bahagi ng Batasan area na nakaapekto rin maging sa tanggapan ng Kamara de Representantes sa lungsod.
Bunsod nito nag-anunsiyo ng suspensyon ng klase sa prep, elementary at high school student sa NCR ang Department of Education (DepEd) sa panghapong klase sa lahat ng pribado at pampublikong paaralan.
Ayon sa NDCC official, tatlong barangay sa bahagi ng Camanava area (Caloocan, Malabon, Navotas) ang lubog sa baha na tinatayang aabot sa lalim na 18 pulgada.
Sinabi ni Rabonza na ang tatlong lugar na binaha sa Malabon City ay kinabibilangan ng Brgys. Catmon, Panghulo at Tañong .
Samantalang patuloy rin ang monitoring sa La Mesa Dam sa Quezon City na nasa 80.23 metro na ang lalim ng tubig at Marikina River na nasa 14.9 metro na ang taas ng tubig pero malayo pa sa idineklarang kritikal na level.
Pinag-iingat rin ang mga residente sa kanugnog na lalawigan ng Rizal partikular na sa mga landslide at flashflood prone areas kung saan tumaas na ang tubig sa bahagi ng San Mateo-Batasan Road matapos na umapaw ang San Mateo River. (Joy Cantos at Rose Tamayo, Ricky Tulipat at Lordeth Bonilla)