2 OFW nalansi ng pekeng doktor
MANILA, Philippines - Nawala ang mahigit sa P200,000 cash at mamahaling kagamitan ng dalawang dating Overseas Filipino Workers (OFWs) na taga-Leyte matapos na maloko ng isang pekeng doktor na nangako sa kanila ng trabaho sa ospital sa bansang Australia.
Ayon sa reklamo ng mga biktimang sina Rosemarie Dimpas, 25, at Leilit Oquias, 33, tubong Javier, Leyte laban sa isang Marlon Malingin, 30, sinabi ng mga ito na pinangakuan sila ng huli ng trabaho bilang housekeeping sa hospital sa Australia at makakatanggap ng sahod na P60,000 kada buwan.
Bukod sa salapi ay kinuha pa umano ng suspek ang lahat ng mga kagamitan ng dalawa sa tinutuluyan nilang apartelle sa lungsod.
Ayon sa ulat, dumating si Dimpas mula Leyte kasama si Malingin noong September 1 at tumuloy sa Crown Apartelle sa West Avenue dahil sa pangako ng suspek na makakaalis siya sa bansa patungong Australia sa Sept. 16.
Hanggang noong Lunes, inutusan umano si Dimpas ng suspek na mamili ng damit sa Quiapo, at nang pagbalik nito sa apartelle ganap na alas- 2 ng hapon ay nawawala na ang kanyang kagamitan maging ang huli. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending