MANILA, Philippines - Muling itinaas ng Pilipinas Shell Petroleum ang presyo ng kanilang liquefied petroleum gas (LPG) kahapon nang P1.45 kada kilo.
Sinabi naman ni Petron Corp. spokesperson Virginia Ruivivar na wala pa silang impormasyon na susunod sila sa Shell.
Matatandaan na una nang nagtaas ng P2.25 kada kilo ng LPG ang Shell at Petron noong nakaraang linggo upang salaminin umano ang presyo nito sa internasyunal na merkado.
Samantala, tiniyak naman ng LPG Marketers Association na hindi na sila magtataas ng kanilang presyo ng LPG ngayong Setyembre matapos na una nang magpatupad ng P4 kada kilo pagtataas nitong umpisa ng buwan.
Kasabay nito, kapwa ibinaba ng Pilipinas Shell at Petron Corporation ang presyo ng kanilang mga produktong petrolyo kaninang madaling-araw.
Sa ipinadalang mensahe ni Ruivivar, tinapyasan nila ng P1 kada litro ang halaga ng kanilang “Blaze, XCS, Xtra Unleaded” na gasolina, DieselMax at kerosene.
Sinabi rin ni Shell vice-president for communications Roberto Kanapi ang pagbababa nila ng P1 kada litro sa halaga ng Diesel, Super Unleaded E10, Unleaded, Premium at V-Power, at kerosene.
Kapwa binawasan rin ng P.50 sentimos ng Petron at Shell ang halaga ng kanilang regular na gasolina na magiging epektibo pagsapit ng alas-12:01 ng madaling-araw ngayong Martes. (Danilo Garcia)