MANILA, Philippines - Isang magkasintahan ang naglahong parang bula nang tangayin sila ng alon habang nagroromansa sa breakwater ng Manila Bay sa Port Area, Manila kamakalawa ng hapon.
Kapwa patay na ang mga biktima nang matagpuan sa magkahiwalay na lugar matapos ang 15 oras.
Kinilala ang biktimang lalaki sa alyas na “Allan,” nasa 40-45 taong gulang ang edad, 5’6’’ ang taas, katamtaman ang katawan, bigotilyo at nakasuot ng kulay asul na t-shirt na may nakamarkang ‘CUBS’ sa ha rapan at maong na pantalon habang ang babae na halos ka-edad ng una, may taas na 5’2’’, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng berdeng T-shirt, asul na jacket at maong pants. Putol umano ang mga daliri sa paa ng babae.
Sa ulat ni Det. Jay Santos ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-3:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa breakwater ng Manila Bay na sakop ng Baseco compound sa Port Area.
Sinabi ng isang grocery helper na si Joey Enopereo, 20, na naglalakad sila sa breakwater ni Allan at kasama ang di-kilalang babae nang pagdating nila sa mabatong lugar ay pumuwesto doon ang magkasintahan.
Napansin pa ni Enopereo na naghahalikan ang dalawa habang nakatayo sa di kalayuan sa bahaging mabato nang biglang humampas ang napakalaking alon sa batuhan at sa paghupa ay kasamang naglaho ang magkasintahan.
Dahil sa nasaksihan, nagpasaklolo si Enopereo sa mga awtoridad at ilang oras ang nakalipas ay narekober na ang bangkay ni Allan.
Kahapon lamang, alas-6:30 ng umaga, makalipas ang 15 oras, nakita ang katawan ng babae sa tubig ng Manila Bay na sakop ng Block 2 Old Site, Baseco compound sa bahagi na ng Tondo.