MANILA, Philippines - Biktima rin ang mga pulis sa naganap na pakikipagbarilan ng pulisya sa isang grupo ng mga holdaper sa Parañaque City noong Disyembre 2008.
Ito ang idiniin kamakailan ni Lilybeth Gutierrez, misis ni Senior Superintendent Eleuterio Gutierrez.
Si Supt. Gutierrez na team leader ng highway patrol group ng Philippine National Police ay kabilang sa mga malubhang nasugatan sa pakikipaghabulan at pakikipagbarilan sa mga holdaper sa United Parañaque Subdivision 4.
Sinabi ni Lilybeth na dapat maunawaan ng publiko na ilang pulis ang nabiktima rin sa insidente at kabilang dito ang kanyang asawa na nasa malubhang kalagayan pa rin sa V. Luna Hospital at kailangang operahan. Humingi siya ng dasal para sa kanyang kabiyak.
“Sana ay wag husgahan ang mga pulis na isinuong ang kanilang buhay para magampanan ang kanilang tungkulin. Dahil sa pangyayaring ito ang asawa ko ay nagkaroon ng habangbuhay na kapansanan,” sabi pa niya.
Noong nakaraang taon din, nagbigay ng tulong na salapi kay Gutierrez ang PNP Badge of Honor Foundation.