MANILA, Philippines - Nasa pangangalaga na ng Quezon City Jail (QCJ) si dating Abra Governor Vicente Valera ang pangunahing suspect sa pagpatay kay Abra Congresman Luis Bersamin matapos ang paglilipat sa kustodiya dito mula sa Camp Crame kamakalawa ng gabi.
Ayon sa ulat, ganap na alas- 8 ng gabi nang dalhin si Valera sa QC jail buhat sa Camp Crame kung saan una itong pinagdalhan dito. Sinabi ni QC jail Warden Nestor Velasquez, katulad ng ibang bilanggo ay ituturing na isang ordinaryong preso lamang si Valera at isasama ito sa loob ng isang selda na ilang bilang ng inmates ang nakakulong.
Magugunitang sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng QC Regional Trial Court (RTC), nadakip ng mga tauhan ng QCPD Criminal Investigation Unit (CIDU) si Valera sa may condominium nito sa Rockwell, Makati City .
Si Valera ay tatlong taong pinaghahanap ng batas dahil sa 2-counts of murder at frustrated murder na isinampa dito matapos na isangkot sa pagpatay kay Bersamin noong 2006 sa Our Lady of Mount Carmel sa New Manila, Quezon City.