MANILA, Philippines - Sumuko na kahapon ng hapon sa Angono Police ang pangunahing suspect sa pa mamaslang kay Ruby Rose Barrameda-Jimenez.
Pasado alas-2 ng hapon nang personal na sumuko si Atty. Manuel Jimenez Jr., residente ng BF Homes, Parañaque City, kay Angono Police Officer-in-Charge Supt. Rommel Estolano.
Si Atty. Jimenez ay father-in-law ni Ruby Rose na siya ring itinuturong pangunahing suspect sa brutal na pamamaslang sa huli ay sumuko ilang araw matapos na usigin ito sa korte at palabasan ng warrant of arrest. Agad namang dinala si Atty. Jimenez sa Angono Medical Hospital para sa medical check-up nito bilang bahagi ng standard operating procedure ng pulisya sa proseso ng pagsuko nito.
Nabatid na ang pagsuko ni Atty. Jimenez ay matapos na mag-isyu ng warrant of arrest si Malabon City RTC Branch 170 Judge Hector Almeyda sa kasong murder na kinakaharap ng una sa pamamaslang kay Ruby Rose.
Batay sa ulat, si Atty. Jimenez ay kasalukuyang nasa bahay ng kanyang misis na si Jocelyn Merced, sa Nieves St., Brgy. San Isidro, Angono nang makarating sa kanyang kaalaman na naglabas na ng warrant of arrest ang korte laban sa kanya.
Batay naman sa nakalap na impormasyon, kasunod ng kanyang pagsuko ay handa na umano si Atty. Jimenez na harapin ang naturang kaso habang siya ay nakakulong.
Magugunita na si Atty. Jimenez ay nahaharap sa kasong murder na walang kaukulang piyansa matapos na ituro ito na siyang “utak” sa pamamaslang kay Ruby Rose na matapos brutal na paslangin ay isinilid pa sa isang steel case at isinimento sa loob ng isang drum bago itapon sa baybayin ng Malabon City, hindi kalayuan sa kompanyang pag-aari ng pamilya ng una. (Rose Tamayo-Tesoro)