MANILA, Philippines – Dalawang miyembro ng kilabot na “riding- in-tandem gang” ang nasawi matapos makipagpalitan ng putok ng baril sa mga awtoridad ilang minuto makaraang tangkain ng mga una na holdapin ang isang drug store sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang isa sa nasawing suspek sa pamamagitan ng identification card (IDs) na nakuha sa kanyang bulsa na si Roland Sapillan, 37; habang inaalam pa ang pagkakakilanlan sa isa pang nasawing kasamahan nito.
Ayon sa ulat, ang mga suspek ay naka-enkuwentro ng tropa ng District Mobile Force ng Quezon City Police (DPIU-QCPD), makaraang maispatan ang mga itong papatakas buhat sa bibiktimahing drug store sa may Balintawak ganap na alas-3:30 ng madaling-araw.
Bago ang insidente, tinangka ng mga suspek na holdapin ang naturang drug store makaraang pasukin nila ito at tutukan ng baril ang security guard na si Segundo Ugale.
Ayon kay Ugale, dahil nag-iisa lang ang suspek na tumutok sa kanya, habang ang isa ay naiwan sa labas at nagsilbing look-out, tinangka niyang agawan ito ng baril na nagresulta sa pagpapambuno nilang dalawa.
Sinasabing nasa kainitan ng pagpapambuno ang security guard at suspek nang biglang pumasok ang kasamahan ng huli at binalaan ito sa pagsasabing “Tol may pulis, labas na,” sanhi upang mapuwersang umalis ang mga ito.
Ngunit bago tuluyang tumakas, binaril pa ng isa sa suspek si Ugale, na masuwerte namang hindi tinamaan.
Habang papatakas ang mga suspek sakay ng isang motorsiklo (NR-4432) ay namataan ang mga ito ng nagpapatrulyang mobile force sa lugar habang nasa maling direksyon ng kalsada o naka-counter flow.Tinangka ng mga awtoridad na pahintuin ang mga ito na dito na nagsimula ang habulan at pagpapalitan ng putok na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang suspect. (Ricky Tulipat)