11-anyos nagbigti
MANILA, Philippines - Isang 11-anyos na grade five pupil ang nagpatiwakal sa pamamagitan nang pagbibigti matapos nitong damdamin ang paghihiwalay ng kanyang mga magulang sa Malabon City kahapon.
Hindi na umabot ng buhay nang isinugod sa malapit na clinic ang biktima na itinago sa pangalang Totoy.
Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Robert Miclat ng Malabon City Police, Criminal Investigation Division, dakong alas-11:30 ng umaga nang matagpuan ang biktima mismo sa loob ng bahay ng kanyang lola na nakilala lamang sa pangalang Aling Lorna na matatagpuan sa Santulan St., ng nabanggit na lungsod.
Nylon net ang ginamit ng bata sa pagbibigti na isinabit sa kisame.
Nabatid na simula nang maghiwalay ang ama at ina ng biktima, may tatlong taon na ang nakakaraan ay tumira na ito sa kanyang lola na doon madalas mapansing walang kibo at malungkutin ang nasawi.
Maaaring hindi nakayanan ng bata ang labis na kalungkutan at maagang pagiging bunga ng broken family. Nakarating din sa bata na binubugbog ang kanyang ina ng bago nitong kinakasama.
Nalaman pa rin na bago isinagawa ng bata ang pagpapatiwakal, isang kaibigan ang hiningahan nito ng kanyang sama ng loob na nais na niyang mamatay.Sa kabila nito ay patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga pulis ang nasabing insidente.
- Latest
- Trending