800 unit ng bus, wawalisin sa Edsa

MANILA, Philippines - Aabot sa 800 unit ng pampasaherong bus ang wawalisin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa kahabaan ng Edsa hanggang sa pagtatapos ng 2009.

Ayon kay LTFRB chairman Alberto Suansing , ang mga passenger bus na ito na hindi na padadaanin ng Edsa ang yaong mga pampasaherong bus na paso na ang prangkisa ng 2009.

Ang prangkisa anya ng naturang mga sasakyan ay hindi na niya eextend o palalawigin pa.

Sinabi ni Suansing na ang LTFRB ay nagsasagawa ngayon ng “franchise attrition” bilang bahagi ng ginagawang hakbang ng ahensiya na mabawasan ang bilang ng bus na dumadaan sa Edsa.

Ani Suansing, aabutin lamang ng 1,000 unit ng bus ang dapat lamang gumamit ng main thoroughfare tulad ng Edsa. Sa ngayon umaabot sa 3,800 buses ang gumagamit ng Edsa.

Nilinaw ni Suansing na walang posibilidad na ma-extend ng LTFRB ang aplikasyon ng mga ito para sa extension of validity ng prangkisa ng bus. (Angie dela Cruz)

Show comments