Pulisya Nagbabala, Salisi gang umaatake sa mga ospital

MANILA, Philippines - Nagbabala ang isang mataas na opisyal ng Que­zon City Police sa mga pasyente ng mga ospital na mag-ingat laban sa nagkalat na miyembro ng “salisi gang” na nagku­kunwaring pas­yente na patuloy na nam­bibiktima ng mga kaga­mitan sa mga pasyente dito.

Aksyon ito ni Supt. Jesus Balingasa, hepe ng Kamu­ning Station 10 ng QCPD, matapos ang su­nod-sunod na reklamong nakakarating sa kanilang tanggapan mula sa mga nabibiktimang pas­yente ng iba’tibang ospital.

Kabilang na rito ang huling biktima na sina Regina Younis-Manalo, 26,   call center representative; at Marlyn Manalo, 28, arki­tekto; kapwa ng Es­pacio Bernardo Condominium, Champaca St., Brgy. Sauyo sa lungsod.

Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa may Del­gado hospital sa may Ka­mu­ning St., Brgy. Ka­muning sa lungsod noong Miyer­kules ng ala-1 ng madaling-araw.

 Sinasabing si Regina ang pasyente sa naturang ospital habang tagapag­bantay naman nito si Marlyn kung saan nasa silid sila ng room 214-I.

Ang pagsalakay sa silid ng biktima ay naganap ilang oras makaraang magbigay babala ang mga security guard ng ospital na i-secure ang kanilang mga gamit. Ayon sa mga biktima, sini­guro naman nilang maayos ang pagkakatago ng kani­lang gamit nang sila ay matulog ngunit makalipas ng ilang oras nang magising ay nawawala na ang kanilang mga gamit.

Partikular na nakuha sa mga biktima ay isang unit ng laptop P50,000; wallet na may P1,000 at iba’t-ibang identification card; handbag na may lamang P60,000; at isang canon digital camera P20,000.(Ricky Tulipat)

Show comments