MANILA, Philippines - Natimbog na rin ng pulisya ang tatlong notoryus na holdaper na nambibiktima ng mga Indian nationals na nagpapahulugan at sangkot sa pambabato ng mga sasakyan para makapangholdap sa C-5 Road, Taguig City.
Nakilala ang mga nadakip na sina Jerry Olandria, alyas Jerry Bungo, 34-anyos; Archie Angcay, alyas Richie, 24, kapwa ng Marcelino Compound, Brgy. Calzada, Tipas, Taguig at Sonny Alvarez, 30, ng Palar Village, Brgy. Ususan, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng pulisya, nasakote ang tatlong suspek kamakalawa ng hapon sa may Commando, C-5 Road.
Nasabat ang mga suspek makaraang masita ang mga ito ng mga nagpapatrulyang pulis ngunit nagtangkang tumakas.
Nakumpiska sa posesyon nina Olandria at Alvarez ang dalawang kalibre .38 baril at mga bala habang isang balisong naman ang nakuha kay Angcay.
Sa background check, lumalabas na sangkot ang mga suspek sa serye ng holdap kung saan pinakahuli ang pambibiktima kay Peter Singh sa may Palar Village, Taguig.
Nabatid pa sa ulat na ang mga suspek umano ang may kagagawan ng mga pambabato ng mga sasakyan sa mga madidilim na bahagi ng C-5 Road upang maholdap ang driver at mga pasahero ng mga sasakyang hihinto upang inspeksyunin ang kanilang sasakyan (Danilo Garcia)