Kararating lang sa bansa, Abogadong Ukranian kinidnap

MANILA, Philippines - Isang abogadong Ukranian na kara­rating pa lamang sa bansa ang dinukot ng tatlong hindi pa nakiki­lalang mga arma­dong lalaki na nagpanggap na mga pulis, kamaka­lawa ng gabi sa Pasay City.

Sa inisyal na ulat ni Pasay City police chief, Sr. Supt. Raul Petrasanta, dakong alas-6:45 ng gabi nang pu­wer­sahang ta­ngayin ng mga suspek ang biktimang si Valerii Dashevsky sa may panulukan ng Roxas Boulevard at Cuneta Avenue, sa naturang lungsod.

Nabatid na kararating pa lamang ni Dashevsky sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at sinundo nina Jonathan Nocos, 35, ng Greenville Subd., Sauyo, Que­zon City at Edgar Eslera, 48, kapwa miyembro ng Kingdom of Christ.

Sakay ang tatlo ng isang Nissan Frontier (LDY-487) nang harangin ng mga suspek lulan ng isang Toyota Revo sa na­banggit na lugar.

Nagpa­kilala umano ang mga suspek na mga pulis kung saan naka­suot ang mga ito ng uniporme ng PNP at puwer­sahang ipinasok ang dayu­han at mga gamit nito sa Revo at pina­sibad sa direk­syon ng Parañaque City.

Napag-alaman na dadalo sana bilang bisita si Dashevsky sa aniber­saryo ng “Kingdom of Jesus Christ” sa Davao City na ginanap kahapon.

Show comments