Thrill killer sa Tondo, nalambat
MANILA, Philippines - Nalambat ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang sinasabing “thrill killer” na responsable sa sunud-sunod na pamamaslang sa tatlo katao, sa magkakahiwalay na pagkakataon sa Tondo, Maynila.
Ipinrisinta kahapon kay Manila Mayor Alfredo Lim ni MPD-station 3, chief P/Supt. Ernesto Tendero ang suspek na si Jayson Lumanao, 23, residente ng Tondo, Maynila.
Nabatid sa rekord na si Lumanao ang suspek sa pagpatay kina Fernan Ariola, 23; Dennis Melgarejo, 27, at isang hindi nakilalang biktima.
Bukod pa rito siya rin ang itinuturong responsable sa malubhang pagkasugat sa isang Jayson Atilano na naganap noong Marso 28 at Abril 4, 2009.
Nabatid na habang nagsasagawa ng drug operations ang MPD-Special Anti Illegal Drugs sa pamumuno ni Sr/Insp Nicolas Ybanez sa isang bahay sa Tayuman noong Agosto 29, 2009 ay nakabilang si Lumanao sa nadakip dahil sa pag-iingat ng dalawang plastic sachet na naglalaman ng shabu
Sa beripikasyon, nadiskubreng si Lumanao ang suspek sa mga kasong hindi pa nareresolba.
Umamin naman ang suspek na siya ang namaril at nakapatay sa mga biktima, ngunit sinabi nito na simpleng away lamang ang dahilan kung bakit umano niya ito napatay. (Ludy Bermudo at Doris Franche)
- Latest
- Trending