MANILA, Philippines - Binigyan kahapon ng P350,000 reward ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Jesus Verzosa ang masuwerteng tipster na nagsilbing susi sa pagkakaaresto sa isa na namang most wanted na Abu Sayyaf terrorist na kabilang sa wanted list ng pamahalaan.
Ayon kay Verzosa, ang nasabing tipster na itinago ang pangalan at katauhan ay siyang nagturo sa pagkakaaresto ng Abu Sayyaf terrorist na si Hajer Sailani alyas Marvin Alvarez sa operasyon sa Southseas Mall sa downtown ng Cotabato City noong nakalipas na linggo.
Si Hajer Sailani, alyas Marvin Alvarez ay nasakote sa bisa ng warrant of arrest dahil sa mga kasong kidnapping at serious illegal detention sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Danilo Bucoy, Presiding Judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 2 ng Isabela City, Basilan.
Isinasangkot si Sailani sa mass kidnapping ng mga guro, estudyante at pari sa Barangay Sinagkapan, bayan ng Tuburan at Barangay Tumahubong, sa bayan ng Sumisip sa lalawigan ng Basilan noong March 20, 2000.
Kasama rin umano ito sa mga bandido na dumukot sa Muslim convert na Amerikanong si Jeffrey Craig Shilling sa Patikul, Sulu noong August 29, 2000 at Dos Palmas Kidnapping noong May 27, 2001. (Joy Cantos)