MANILA, Philippines - Patay ang isang dispatcher makaraang barilin ng isang pasahero na kanyang ginising sa pagkakatulog sa loob ng bus at pinaalis matapos na magtalo sa pagbabayad sa pamasahe, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Nakilala ang nasawi na si Epifanio Ricarte, 44, dispatcher sa terminal ng Bobis Liner na may mga biyahe patungong Bicol region at residente ng Malibay, Pasay City.
Nagtamo ito ng tama ng bala ng kalibre .45 sa katawan. Bigo naman ang pulisya na madakip ang salarin na kaswal na sumakay lamang ng isang taxi sa kanyang pagtakas.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang krimen dakong alas-4 ng madaling-araw sa loob ng naturang bus terminal sa may EDSA, Malibay, ng naturang lungsod.
Lumalabas sa imbestigasyon na nakatulog umano ang suspek habang naghihintay na mapuno ang sinakyang bus ng Bobis Liner. Umakyat naman ng naturang bus si Ricarte at ginising ang suspek saka sinisingil ng pamasahe nito na higit P400.
Sinabi naman ng suspek na mamaya na sanhi upang pababain ito ng biktima at sabihan na hindi tulugan ang bus at sa motel dapat matulog. Bumaba rin naman si Ricarte at nagtawag ng mga pasahero kung saan nagbunot ng baril ang suspek at isang beses na pinaputukan ito sa batok.
Malaki naman ang hinala ng pulisya na maaaring holdaper ang suspek na may masamang tangka sa naturang bus.
Nangangamba naman ngayon ang maraming mga pasahero sa seguridad kung saan kinukuwestiyon nila kung bakit madaling nakakapagpasok ng baril ang sinuman sa mga bus nang hindi man lamang naiinspeksyon.