2 basurero agawan sa basura, 1 patay
MANILA, Philippines - Isa sa dalawang basurero ang napatay sa pag-aagawan nila sa napupulot nilang mga basura sa Barangay Payatas B, Quezon City kamakalawa ng hapon.
Nagtamo ng hindi mabilang na tama ng saksak sa buong katawan ang biktimang si Jimson Navarro, 31, may-asawa ng Asper st., Barangay Payatas.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na si Jhun Flores, alyas Banal, na mabilis na tumakas makaraan ang krimen.
Ayon kay PO2 Norlan Margallo, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may Masbate St., sa nasabing Barangay.
Lumilitaw sa imbestigasyon na nag-agawan sina Navarro at Flores sa isang bagay na sabay nilang nakita sa basurahan.
Uminit ang pag-aagawan nina Navarro at Flores hanggang sa bumunot ng patalim ang suspek at sinaksak sa buong katawan ang biktima hanggang masawi ang huli. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending