MANILA, Philippines - Mahigpit na ipinagbawal ni Manila Mayor Alfredo S. Lim sa lahat ng mga bar at drinking establishments owner sa Intramuros ang pagtanggap sa mga estudyante.
Ayon kay Lim, inatasan niya sina Department of Public Services (DPS) chief Ret. Col. Carlos Baltazar na imbestigahan at suyurin ang Intramuros area upang malaman kung ilang drinking establishments ang nagse-serve ng beer at ibang nakalalasing na inumin sa mga estudyante, partikular na mula sa mga paaralan na malapit dito.
Sinabi ni Lim na kailangan namang isumite ni Baltazar ang kanyang report kay Bureau of Permits director Nelson Alivio upang malaman kung ang mga ito ay may sapat na permit mula sa City Hall.
Binigyan diin ni Lim na ang kanyang kautusan ay bunsod na rin ng reklamo na kanilang natatanggap na maraming mga bar at restaurant sa Intramuros ang pinapayagan ang mga high school at college student na mag-order ng beer at mga nakakalasing na alak.
Ipinaliwanag pa ng alkalde na mahigpit na ipinagbabawal ng city government sa mga establisimento ang pagtitinda ng alak na malapit sa mga paaralan at unibersidad.