MANILA, Philippines - Nagpasok ng not guilty plea ang dalawa sa pitong akusado sa pagpatay kay Abra Congressman Luis Bersamin kaugnay ng ginawang pagbasa ng sakdal sa sala ni Quezon City RTC Branch 84 Judge Luisito Cortez.
Ang mga ito ay sina dating Abra Vice- Mayor Freddie Dupo at Sonny Taculao na itinuturong may kinalaman sa pagpaslang sa naturang kongresista sa Mt. Carmel Church, Quezon City, noong 2006.
Kabilang sa mga akusado ay ang nakalalaya pang si dating Abra Governor Vicente Valera, Leo Bello at Jerry Turqueza na naghain ng motion for reconsideration para bawiin ang warrant of arrest na ipinalabas ng korte laban sa kanya. Kasama sa mga akusado sina Rufino Panday at Dominador Barbosa sa mga nakakalaya pa.
Sa pamamagitan ng abogado nitong si Atty. Rolando Quimbo, legal counsel ng dating gobernador, hindi maituturing na may probable cause ang pahayag ng dalawang akusado na nadinig nila na sinabi ni Gov. Valera na inis na siya kay Congressman Bersamin at dapat na itong iligpit
Ikinatwiran nito na kahit sino ay maaaring magsalita na galit at papatayin ang isang tao ngunit hindi ito nangangahulugan na siya na ang nag-utos para patayin si Bersamin. (Angie dela Cruz)