MANILA, Philippines - Isang sinehan na nagpapalabas ng malalaswang panoorin ang sinalakay ng pinagsanib ng tropa ng Quezon City hall detachment at Police Station 7 at pinagdadampot ang may 64 katao kahapon ng hapon.
Ayon sa ulat, ang sinalakay na establisimento ay ang Alta Theater na matatagpuan sa Aurora Blvd., Cubao Quezon City.
Kasabay ng pag-aresto sa mga kalalakihan nasa loob ng sinehan, tuluyan na ring ipinad-lock ito ng pulisya base sa closure order na ipinalabas ni Mayor Sonny Belmonte.
Nag-ugat ang pagsalakay bunsod ng reklamong natatanggap ng tanggapan ng alkalde kaugnay sa pagpapalabas ng malalaswang panoorin ng naturang sinehan. Sinasabing malinaw na naging pugad ng prostitusyon ang sinehan dahil halos nanggigitata ang kapaligiran ay masama pa ang amoy sa loob nito.
Nakumpiska rin sa lugar ang mga malalaswang litrato ng mga kababaihan at kalalakihan na nakapaskil sa labas ng naturang sinehan. (Ricky Tulipat at Angie dela Cruz)