MANILA, Philippines - Dahil sa nakaka-alarmang pagtaas ng porsiyento ng kaso ng sakuna sa kalsada na kinasasangkutan ng mga bus at iba pang sasakyan, paiigtingin ng pulisya ang kampanya laban sa mga drivers na walang disiplina at patuloy na lumalabag sa batas trapiko.
Ito ay makaraang ipag-utos ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Ronnie Puno na pag-ibayuhin ang kampanya laban sa mga ito.
Kaya naman agad na inatasan ni Puno si PNP Highway Patrol Group (HPG) director, Chief Supt. Orlando Mabutas, na dagdagan ang visibility patrol sa mga national roads at iba pang pangunahing kalsada upang masugpo ang mga traffic law violators.
Pinalabas ng Pangulo ang direktiba kay Puno sa naganap na cabinet meeting sa Sarangani province nitong Martes.
Sinasabing mula Enero hanggang Marso, nagtala ang HPG ng kabuuang 9,279 vehicular accidents, kung saan 3 libo kaso dito ay sanhi ng overspeeding.
Ayon kay Puno, naalarma ang Pangulo sa nasabing problema, partikular sa naganap na banggaan ng dalawang pampasaherong bus sa Lucena City sa lalawigan ng Quezon noong Linggo kung saan 9 katao ang nasawi at 41 pa dito ang nasugatan.
Dagdag ni Puno, karamihan sa mga motorista ay posibleng hindi alam ang speed limits na kailangang ipatupad sa kalsada kung kaya nangyayari ang insidente. (Ricky Tulipat)